Kababaihan sa Kanayunan sa 3O TAON ng CARP: “Ilang taon pa ang titiisin? Kailan tatapusin?”

CARP 30th Anniversary mob (1)

Press Release

29 June 2018

 

Quezon City – Pangakong paulit-ulit na napako. Kaganapan na di makamtan. Karahasan sa mga biktima. Deskripsyon ito ng isang mapang-abusong relasyon, kung saan tumatagal sa sitwasyon ang inaabuso dahil sa pag-aakala at pag-asang ang salarin ay magbabago. Ang tatlong dekada ng pagsasawalang bahala ng gobyerno sa kalagayan ng pesante ay tulad din ng isang mapang-abusong relasyon, ayon sa Pambansang Koalisyon ng Kababaihan sa Kanayunan (PKKK). Matagal nang nagtitiis sa kahirapan ang mga tagapaglikha ng pagkain. Matagal nang pinaaasa ang mga magbubukid para sa kaganapang hindi na nga makamtan ay tinutumbasan pa ng dahas at kasong krimen.

 

Pangakong napako

Bilang pangakong social justice program, ang CARP ay hindi natapos sa mga nagdaang limang administrasyon. Mula kay Corazon Aquino, Fidel Ramos, Joseph Estrada, Gloria Macapagal Aroyo, at Noynoy Aquino, may malalawak pa ring lupain ang hindi naipapamahagi. Nang matapos ang programa ng land acquisition at distribusyon noong 2014, may higit isang daang libong ektarya pa ang nangangailangang mabigyan ng notice of coverage (NOC) batay sa nakalap na datos at inihaing petisyon ng PKKK sa DAR. “Patunay ito na hindi pa tapos ang laban sa lupa. Nagpapasalin-salin na ang mga Kalihim ng Department of Agrarian Reform (DAR), subalit walang malinaw na tugon ang ahensya. Nakakadismaya ang pagwawalang-bahala ng estado sa maliliit, lalo na sa kababaihan”ayon kay Ka Trining Domingo, pambansang lider ng Kalipunan ng Bagong Pilipina (KABAPA).

 

Nananatiling mababa ang bilang ng mga farmer beneficiaries, nasa 33% lamang ng mga nabigyan ng CLOA (certificate of land ownership award). Bagaman nasa batas na ang pantay na pagpapatitulo sa lupa, hungkag ito kung wala namang distribusyon na nangyayari. “Hindi namin papayagan ang anumang uri ng pang-aabuso, kasama na ang hindi pamamahagi ng lupa na syang sanhi ng lumalayong agwat ng mahirap at mayaman sa kanayunan. Walang panahon na dapat sayangin ang administrasyong Duterte, ipamahagi na ang mga lupain at kilalanin ang mga babaeng agrarian reform beneficiaries (ARBs),” ayon kay Elvie Fadriquelan, lider-magsasaka ng KABAPA sa Lubao, Pampanga.

 

Repormang Agraryo at Karapatan sa Pagkain, Hindi CHACHA

Nananawagan ang PKKK na ipatupad ang programa ng repormang agraryo bilang tugon sa kahirapan, at maging kritikal sa itinutulak ng Administrasyong Duterte na pagbabago ng konstitusyon o Charter Change (CHACHA). Sa gitna ng patuloy na kumbersyon ng mga lupang sakahan para gawing subdivision o economic zones, hindi malayo na sa minumungkahing CHACHA, sisiguraduhin ng mga taong nagmamay-ari ng malalawak na lupain o di kaya ang mga malaking mamumuhunan na sila ang higit na makikinabang sa sitwasyon.

 

Sa sitwasyong namumroblema ang bansa sa bigas at pagkain, dapat totohanin ang repormang agraryo at pangsakahan. Hindi importasyon ang solusyon, bagkus dapat proteksyunan ang mga lupang agrikultural mula sa kumbersyon. Marapat na suportahan ang lokal na produksyon ng pagkain at ang pantay na serbisyo sa lahat ng maliliit na magbubukid anuman ang kasarian,” ani ni Babyluz Bador, Presidente ng PKKK.

 

Nananawagan ang PKKK na kailangan ang patuloy na pagkakaisa at pagpapalakas ng hanay ng mga magsasaka upang makamit ang karapatan sa lupa. Kailangan ng direktang tugon tungkol sa 106,000 na ektaryang dapat mabigyan ng Notice of Coverage. Kailangan din ng mga praktikal na hakbang upang higit na maproteksyunan ang mga natitirang lupang sakahan.

 

CARP 30th Anniversary mob (2)
PKKK together with members of Save Agrarian Reform Alliance (SARA) staged a mobilization in front of Department of Agrarian Reform last June 28, 2018 Photo by: Juliet Domingo, PKKK

Proteksyunan ang Sakahan, Tigilan ang Kumbersyon

Habang tinutulak ang distribusyon sa lupang agraryo, kailangan mahigpit na ipatupad ng gobyerno ang probisyon ng batas laban sa kumbersyon ng mga napapatubigang sakahan, batay sa Seksyon 22 ng RA9700 o CARPER. “Ang laban sa repormang agraryo ay para sa ating karapatan sa pagkain. Nararapat na hanapin at itala natin ang lahat ng lupaing natatamnan ng palay, ito man ay natutubigan, maaaring patubigan, o sahod ulan. Hindi ito dapat mapalitan ng gamit dahil nakasalalay dito ang pagkain ng susunod na henerasyon,” sya namang paaalala ni Elvira Baladad ng PARAGOS-Pilipinas.

 

Ayon sa DAR, may higit 200,000 ektaryang sakahan na ang napalitan ng gamit simula 1988. Tinatayang mas mataas ang lawak ng kumbersyon kung pagbabatayan ay ibang datos, gaya ng mula sa National Irrigation Administration (NIA). Kaya naman, nananawagan ang mga kababaihan sa kanayunan na magkaroon ng imbentaryo sa mga sakahang natatamnan ng pagkain, lalo na ang mga palayan. Samantala, dapat pukawin na ang mga nasa Kongreso na isabatas na ang National Land Use Act (NLUA).

Naniniwala ang PKKK na lahat ng panawagang ito ay dapat nang simulan NGAYON. Tulad ng mga kababaihang kumakawala sa isang mapang-abusong relasyon, nagsisimula ito sa pagtatanong:“Ilang taon pa ang titiisin? Kailan tatapusin?”, na matatapos sa pagtugon at pagtindig ng mga kababaihan mismo para lumaban sa sistema ng pang-aabuso.

 

Kasama ang PKKK sa nagkilos protesta sa harap ng DAR nitong ika-28 ng Hunyo, bilang kasapi ng Save Agrarian Reform Alliance o SARA.

 

Contact Person:

Amparo Miciano, PKKK Secretary General, +639189244802

#8 Pahutan St., Veteran’s Village, Project 7 Quezon City

Advertisements